Pinapanatili ng Department of Health (DOH) ang Code White Alert sa lahat ng pampubliko at pribadong pagamutan sa Region 1 hanggang January 5, 2026 bilang paghahanda sa posibleng pagdami ng mga insidenteng may kaugnayan sa paputok sa pagpasok ng bagong taon.

Ayon kay Dr. Rhuel Bobis, Medical Officer IV ng DOH Region 1, base sa mga nakaraang datos, naitala ang pinakamaraming kaso ng pinsalang dulot ng paputok sa gabi ng December 31 hanggang pagsalubong ng January 1.

Dahil dito, mananatiling handa ang mga ospital at pasilidad pangkalusugan na magbigay ng agarang serbisyong medikal sa mga posibleng biktima ng aksidente.

--Ads--

Hinikayat din ng DOH ang publiko na iwasan ang paggamit ng anumang uri ng paputok, legal man o ilegal, at sa halip ay gumamit ng mas ligtas na alternatibo tulad ng torotot, tambol, o malakas na tugtugin, o kaya namana ay manood na lamang ng mga community fireworks display na inorganisa ng mga lokal na pamahalaan.

Paalala ng ahensiya, maaaring magtungo agad sa pinakamalapit na ospital o rural health unit ang sinumang masugatan dahil nananatiling nakaalerto ang mga health facility sa rehiyon upang matiyak ang ligtas at kumpletong pagdiriwang ng Bagong Taon 2026.