Dagupan City – Matagumpay na isinagawa ang Coastal clean-up drive sa Tondaligan beach kaugnay sa pagdiriwang ng “The Philippine criminology profession week”.
Ang aktibidad na ito ay idineklara ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na ipinagdiriwang tuwing nobyembre 3 hanggang 9 ng kada taon.
Ayon kay Retd. PCol. Geraldo Roxas, Provincial Chancellor ng Regional Vice Governor ng PCAP (Professional Criminologist Association of the Philippines), ito ang unang pagkakataon na magsasagawa sila ng aktibidad sa lugar upang makibahagi sa pagdiriwang ng nasabing programa.
Napili umano ang Tondaligan Beach sa kanilang aktibidad dahil anila ito ang pinaka naapektuhan ng mga nakaraang bagyo. Katuwang ng mga ito ang hanay ng kapulisan, Bureau of Fire Protection, Bureau of Jail Management and Penology, National Bureau of Investigation, Higher Education Institution – criminology proffesion na kinabibilangan ng iba’t ibang unibersidad sa Dagupan at sa lalawigan.
Bukod naman sa Coastal Clean-up Drive, nagsagawa rin ang mga ito ng Tree Planting sa bayan ng San Quintin, Blood Letting Program at iba pang mga aktibidad na isinasagawa sa iba pang rehiyon. (Nerissa Ventura)