Iginiit ni Senador Panfilo “Ping” Lacson na dapat umanong nagsagawa ang Commission on Audit (COA) ng mas malalim na pagsusuri sa paggamit ng aliases, kabilang ang inspeksyon sa vault na pinaglalagyan ng classified information, sa pag-audit nito sa paggamit ng confidential funds.
Ayon kay Lacson, nakasaad sa Joint Memorandum Circular no. 2015-01 ang mga pamamaraan para sa pag-inspeksyon sa vault kung saan nakalagay ang classified information, kabilang ang pagberipika sa tunay na pagkakakilanlan ng mga taong gumagamit ng aliases sa mga dokumento.
Sinabi ni Lacson na mahalagang matukoy ng COA kung sino ang mga totoong taong nasa likod ng mga alyas na lumitaw sa acknowledgment receipts, gaya nina “Mary Grace Piattos,” “Patty Ting” at “Andy Lim.”
Aniya, maaaring gumamit ng aliases sa mga dokumentong may kaugnayan sa confidential operations, ngunit dapat pa ring may paraan upang matukoy at ma-verify ng COA ang tunay na pagkakakilanlan ng mga indibidwal na nakapirma sa acknowledgment receipts.
Ipinunto rin ni Lacson na dapat umanong nasa loob ng sealed envelope ang tunay na pangalan ng taong gumamit ng alias at dapat ay pirmado ito, habang ang mga naturang dokumento ay nakapaloob sa secured vault ng ahensya.
Kinuwestiyon din ng senador kung paano nakapag-verify ang COA ng confidential fund transactions kung hindi nito aktuwal na na-inspeksyon ang vault at umasa lamang sa paper audit.
Kasabay nito, binanggit ni Lacson ang COA Circular No. 2020-005 na nagtatakda umano ng proseso para sa fraud audit investigation.
Ayon sa senador, maaaring magsagawa ng fraud audit investigation ang COA kapag may impormasyong nagsasaad na maaaring may naganap na fraud, na maaari namang maging bahagi ng proseso tungo sa posibleng criminal case.
Dahil dito, sinabi ni Lacson na dapat ding tanungin kung bakit hindi nagsagawa ang COA ng fraud audit investigation sa kabila ng mga impormasyong lumitaw sa pagsusuri sa confidential funds.
Sa impeachment trial noong nakaraang linggo iminungkahi na ng Senador ang pag-amyenda sa Joint Memorandum ng COA sapagkat kulang aniya ito sa tukoy ng mga pinaggamitan ng confidential funds.
Samantala, nang tanungin tungkol sa obserbasyon na may ilang senator-judge na tila may pagkiling sa impeachment trial, tumanggi si Lacson na magkomento sa aksyon ng kanyang mga kasamahan.
Sinabi ng senador na bilang isang senator-judge, iiwasan niyang husgahan ang kilos o paninindigan ng ibang miyembro ng Impeachment Court.
Gayunman, iginiit niya na mahalagang siyasatin nang mabuti kung ano pa ang mga hakbang na isinagawa ng COA bukod sa pagsusuri ng mga dokumentong isinumite para sa audit.










