Pansamantala munang nagpatupad ng class shifting ang ilang paaralan sa lungsod ng Dagupan dahil sa kakulangan ng mga silid-aralan.

Ayon sa lokal na pamahalaan, patuloy ang pagtaas ng bilang ng mga mag-aaral habang nananatiling limitado ang classroom capacity ng mga pampublikong paaralan sa lungsod.

Dahil dito, napipilitan ang ilang paaralan na hatiin ang klase sa dalawang batch isang pang-umaga at isang pang-hapon upang ma-accommodate ang lahat ng estudyante.

Kabilang sa mga apektadong paaralan ay iyong may sira o kulang sa pasilidad bunsod ng mga nakaraang kalamidad, pati na rin ang mga hindi pa natatapos na proyekto ng konstruksyon.

Ilan sa mga silid-aralan ay ginawang temporary learning spaces habang inaayos pa ang permanenteng mga gusali.

Kabilang sa mga inihaing solusyon ang paglalagay ng modular classrooms at patuloy na pakikipag-ugnayan sa national government para sa karagdagang pondo at imprastruktura.

Sa ngayon, tiniyak ng mga opisyal na tuloy ang pasok sa lahat ng paaralan sa lungsod, ngunit hinihikayat ang kooperasyon ng komunidad upang mapagaan ang epekto ng class shifting habang hinihintay ang mas matagalang solusyon.

--Ads--