Magsasagawa ng imbestigasyon ang Civil Aviation Authority of the Philippines o CAAP sa nangyaring pagbagsak ng isang two-seater training fixed wing plane sa Sitio Paradise, Brgy. Telbang sa lungsod ng Alaminos na ikinasawi ng pilot instructor at ikinasugat ng student pilot nito.

Base sa naunang imbestigasyon nagsasagawa ng orientation flight ang nasawing biktima na si Captain Daryl Uy, kasama ang student pilot nito na si Caran France Kaura, 21 anyos, na residente ng Brgy Pagkakaisa, San Narciso, Quezon Province.

Wala pa rin umanong isang oras nang magtake-off ang cessna plane sa Lingayen Airport nang mangyari ang insedente.
Patuloy din ang pakikipag ugnayan ng CAAP maging ng PNP Pangasinan sa flying school na nagmamay ari sa naturang sasakyan.

--Ads--

Hanggang sa ngayon ay hindi pa malinaw ang sanhi ng pagbagsak nito.

Malaki umanong bagay ang nakuhang salaysay mula sa nakaligtas na biktima dahil alam nito ang nangyari bago ang insedente.

Matatandaan na bandang 9:20 kahapon ng umaga nang bumagsak ang training plane na may body number na RP-C8202 at may markang “Fly Fast”, sa isang fish pond sa kahabaan ng Brgy Telbang.