DAGUPAN, CITY— Patuloy ang pagsasagawa ng City Veterinary Office (CityVet) ng siyudad ng Dagupan ng kanilang anti-rabies vaccination activity sa iba’t ibang barangay ngayong buwan matapos itong pansamantalang matigil noong Marso dahil sa epekto ng coronavirus disease sa pangkalahatang transaksyon sa bansa.
Ang naturang programa ay naglalayong maiwasan ang transmisyon ng rabies ng alagang mga hayop lalo na kung makakagat sila ng tao.
Ayon kay City veterinarian Dr. Michael Maramba, nakapagbigay na ang kanilang tanggapan ng anti rabies shots sa ibat ibang breed ng aso at pusa sa isinagawang vaccination acitivity sa Barangay Pogo Grande sa nabanggit na lungsod.
Kung saan tinatayang nasa 260 na aso at pusa ang nakatanggap ng bakuna sa vaccination activity sa naturang lugar.
Nakatakda namang magbigay ng anti-rabies shots para sa mga alagang pusa at aso ng mga residente sa Barangay Tambac at Bonuan Boquig.