Dagupan City – Nagpaalala ang City Health Office dito sa lungsod ng Dagupan sa mga dapat isaalang-alang upang maiwasan ang pagdami ng kaso ng sakit na Dengue ngayong tag-ulan kaugnay sa pagdiriwang ng National Dengue Awareness Month.
Ayon sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Dr. Ophelia T. Rivera ang City Health Officer ng Dagupan City Health Office na inalertuhan na nila ang pagbabantay sa kaso nito lalo na’t nakakaranas na ng tag-ulan.
Katuwang niya ang ilang staff at mga Barangay Heath Workers sa buong 31 barangay upang maipalaganap ang kanilang adbokasiya sa pagbibigay ng sapat na impormasyon sa mga tao sa pinagmumulan ng sakit na ito.
Aniya na dapat umanong isaalang-alang ang pagsunod sa 5S gaya ng una- Search and destroy breeding sites o hanapin ang mga lugar na maaring pamugaran ng lamok tulad ng mga gulong, lata, bote kaya tanggalin ang mga lalagyang maaaring mangolekta ng tubig at iba pa.
Pangalawa ay ang Self-protection from mosquito bites kung saan kailangan magsuot ng pantalon at damit na may mahabang manggas at magpahid ng insect repellant para maprotektahan ang sarili sa mga kagat nito.
Pangatlo ay Seek early medical consultation o kung may lagnat na ng dalawang araw ay agad kumonsulta sa pinakamalapit na health facility.
Pang-apat ay Support fogging in areas with clustering of cases o pagsuporta sa pagpapausok kapag may banta ng
outbreak sa inyong lugar, at panghuli ay sustain hydration o uminom ng sapat na inuming tubig para maiwasan
ang dehydration na dulot ng lagnat o pagsusuka.
Ang National Dengue Awareness Month ay isang kaganapan na isinasagawa ng kagawaran ng kalusugan tuwing sumasapit ang buwan ng hunyo sa pamamagitan ng Proclamation No. 1204 na nilagdaan noong April 21, 1998 ni dating President Fidel V. Ramos.
Malaki ang gampanin ng ganitong paggunita upang magbigay kaalaman at magpamulat sa mga tao sa mga dapat na gawin upang mabawasan ang pagdami ng kaso ng nakamamatay na sakit na dengue dala ng kagat ng lamok.