DAGUPAN, CITY— Plinaplano ng pamahalaang panlungsod ng Dagupan ang pagpapataas sa mga mababang lugar sa lungsod lalo na tuwing high tide at kapag bumuhos ang malakas na ulan sa siyudad.
Ayon kay Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, sinabi niya na sa kasalukuyan pinag-aaralan ng kanyang tanggapan ang pagpapataas sa bahagi ng Rivera St. dahil madalas na nagkakaroon ng baha sa ground floor ng Malimgas Public Market.
Ang naturang hakbang aniya ay upang hindi na rin mahirapan ang mga nagbebenta sa naturang palengke tuwing nagkakaroon ng pagbaha sa naturang lugar.
Ngunit pagkatapos naman umano ng pagpapataas sa ground floor nito ay papabalikin din ang mga nagtitinda roon.
Bukod pa rito, ay plano din nilang itaas ang One Stop Shop sa harap ng City Hall upang maging tatlong palapag na itong gusali dahil ayon sa naturang alkalde ay higit na mababa ito kumpara sa AB Fernandez road.
Saad ni Lim, sa pamamagitan nito ay mas maraming mga Dagupeño ang hindi na mahihirapang magbayad ng kanilang business permits at local taxes lalo na tuwing mataas ang tubig sa nasabing lugar.
Dagdag pa ng naturang alkalde na ang kanilang pinaplanong paraan ay tiyak na makakatulong upang mas maging maayos ang daloy lahat ng transaksyon sa siyudad at upang masiguro na ligtas mula sa mga sakit na maaaring makuha dulot ng paglusong sa tubig-baha ng mga residente.