Isinusulong ng lokal na pamahalaan ng Dagupan ang malawakang pagsasaayos sa bahagi ng Barangay Herrero-Perez matapos personal na matukoy ang kalagayan ng lugar.

Ayon kay punong barangay Generoso Gomez, tatlong buwan na ang nakalipas mula nang maipresenta ang sitwasyon sa City Development Council, at mula roon ay naaprubahan ang paglalaan ng kinakailangang pondo para sa proyekto.

Nakasaad sa 2026 city government fund ang opisyal na alokasyon para sa rehabilitasyon at target ng pamahalaang lungsod na masimulan ang aktuwal na pagpapatupad sa unang quarter ng susunod na taon.

--Ads--

Bahagi ito ng mas malawak na plano ng lungsod na iangat ang kalidad ng mga pampublikong espasyo at tugunan ang mga lumang pasilidad na nangangailangan ng agarang pag-aayos.

Kasama aniya ang lugar ng Barangay Herrero-Perez sa itinalagang renovation works sa loob ng Eugenio Perez Park, isang proyekto na may layong gawing mas maaliwalas, mas ligtas, at mas kapaki-pakinabang para sa mga residente.

Bukod sa pagsasaayos ng imprastruktura, layunin din ng lungsod na maging bahagi ito ng pagpapalakas ng turismo sa Dagupan, sa pamamagitan ng paglikha ng mas presentableng kapaligiran na maaaring pagdausan ng mga aktibidad ng komunidad at bisita.

Nakapaloob na umano ang lahat ng gastusin sa aprubadong city budget para sa 2026, at tiniyak ng pamahalaang lokal na ang pondo ay nakalaan nang buo para sa implementasyon.

Inaasahang magiging tuloy-tuloy ang koordinasyon sa pagitan ng barangay at city departments upang masiguro ang maayos na daloy ng proyekto mula paghahanda hanggang sa aktuwal na konstruksyon.

Sa sandaling matapos ang pagsasaayos, inaasahan ng pamahalaang lungsod na magdudulot ito ng mas mataas na antas ng kaayusan at karagdagang benepisyo para sa mga taga-Herrero-Perez.