Dagupan City – Nanawagan si Dagupan City Mayor Belen Fernandez sa publiko na agad ireport sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang operasyon na may kinalaman sa paggawa o pagbebenta ng paputok upang maiwasan ang disgrasya at pagkadamay ng mga inosenteng mamamayan.
Ipinaliwanag naman ni Atty. Aurora Valle, Legal Officer ng Dagupan City, na may kapangyarihan ang mga opisyal ng barangay na magsagawa ng citizen’s arrest laban sa mga indibidwal na sangkot sa ilegal na paggawa o pagbebenta ng paputok at agad itong isuko sa kinauukulang ahensya.
Ayon kay PCol. Orly Z. Pagaduan, Officer-in-Charge ng Dagupan City Police Office, natuklasan kasi sa isinagawang imbestigasyon na ang nangyaring pagsabog ng isang bahay sa Sitio Boquig na ikinasawi ng dalawang indibidwal at pagkadamay ng ilan pang mga residente ay ginagamit umano bilang imbakan ng paputok ngunit mali ang pagkaka-setup.
Dahil dito, plano ng lokal na pamahalaan na magtalaga ng mga itinalagang firecracker zones at ipasara ang mga establisimyentong hindi sumusunod sa tamang pamantayan.
Samantala, iginiit ni Lino Fernandez, Presidente ng Liga ng mga Barangay ng lungsod, ang patuloy na mahigpit na monitoring upang tuluyang masugpo ang mga ilegal na pagawaan ng paputok sa lungsod.
Dagdag pa niya, napakasensitibo ng pulbura na ginagamit sa paggawa ng paputok dahil maaari itong sumabog kahit mahagisan lamang ng tubig, dahilan upang maging lubhang delikado ang operasyon.
Paalala ito sa mga gumagawa ng paputok na makipag-ugnayan at sumunod sa mga patakaran ng pamahalaan, lalo na’t may mga naitalang insidente na nagdulot ng pagkasawi at pagkadamay ng mga inosenteng indibidwal.








