DAGUPAN CITY- Kasama ng tag-lamig sa Finland, ramdam na rin ang Christmas Season.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Mhaye Blacer Fajanela, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, ikatlong linggo pa lamang ng November ay ramdam na ang kapaskuhan sa bansa kung saan marami na ang mga dekorasyon at aktibidad.

Aniya, nagbukas na rin ang ilang mga partikular na lugar sa Finland kung saan naman mararanasan ang mga iba’t ibang pagkain na tampok tuwing pasko, tulad na lamang ng Glögi, isang uri ng cranberry juice na may halong cinnamon, pasas, at almond nuts. Gayundin ang Castañas na makikita sa open market square.

--Ads--

Dahil winter season na rin, marami na ang nagbebenta ng mga tradisyunal na damit para sa malamig na panahon.

Mayroon din aniyang espesyal na Christmas Sauna na tiyak ay relaxing dahil sa soothing scent nito.

Samantala, ibinahagi naman niya na sa darating na pasko, inaasahan na nila ang iba’t ibang aktibidad na inihanda ng iba’t ibang organisasyon ng Filipino Community sa kanilang lugar.

Kabilang sa inihahanda sa naturang aktibdad ay ang mga kilalang pagkain ng mga Pilipino sa tuwing pasko, partikular na ang lechon.

Dagdag pa ni Fajanela, kaniyang nami-miss ang ilang mga kagawian ng Pilipinas tulad ng simbang gabi at ang mga kakanin na mabibili tuwing madaling araw.