Dagupan City – Pinaghahandaan na ng lokal na pamahalaan ng Manaoag ang kanilang magiging Christmas light at decorations para sa nalalapit na kapaskuhan na handog nila sa kanilang mga kababayan.
Ayon kay Manaoag Mayor Jeremy “Doc Ming” Rosario na ito ay talagang kanilang pinaghahandaan lalo na sa magiging tema nito dahil kung matatandaan na ang tema ng kanilang pailaw o Christmas decorations sa bayan noong nakaraang taon ay Candy Land kung saan ito ay nakilala at naipalabas pa sa national news kaya tinitiyak nito na magiging isa muling wonderland Christmas ang maipapakita sa publiko na magugustuhan ng lahat.
Aniya na inumpisahan na nila ang paggawa ng mga dekorasyon para isasalpak na lamang dahil ang target nila para sa pormal na pagpapailaw ay sa unang bahagi ng Disyembre.
Saad nito na PaskoOne ang kanilang tagline sa pasko dahil nangangahulugan na God First sa lahat ng bagay.
Dagdag nito na excited na aniya silang magbigay saya, aliw at tuwa sa mga taong dadako sa kanilang bayan dahil ito ay talagang puntahan ng mga tao o turista dahil sa dinarayong Simbahan ng Our Lady of the Holy Rosary.
Bukod sa mga ilaw, magkakaroon din ng mga performers tuwing weekend sa buong buwan ng Disyembre, kasabay ng mga regular na aktibidad sa Basilica para sa mga deboto.
Paanyaya naman nito na bumisita lamang sa Manaoag dahil bukas ang kanilanh bayan sa lahat at tinititak nito na mag-eenjoy ang mga tao sa kanilang handog ngayong Kapaskuhan. (Oliver Dacumos)