DAGUPAN, CITY—Naninindigan ang Commission on Human Rights (CHR) na hindi magiging solusyon ang muling pagbuhay ng death penalty sa pamamagitan ng lethal injection upang masawata ang naitatalang krimen sa Pilipinas.
Ito ay kasunod nang inanunsyo ni Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang talumpati na kanyang ipinapanukalang buhayin muli ang naturang parusa upang magtanda ang mga gumagawa ng krimen lalo na ang mga indibidwal na nasasangkot sa illegal na droga at nasasangkot sa heinous crimes.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Commission on Human Rights o CHR Commissoner Karen Gomez Dumpit noong una pa lamang ay tutol talaga ang kanilang tanggapan sa death penalty lalot alam naman napatunayang hindi ito naging epektibo upang mapigilan ang krimen sa bansa.
Aniya kaya nila ito mariing tinututulan ay dahil lumalabag ito sa karapatan ng tao na mabuhay. Hirit pa ni Dumpit na kanila rin itong nilalabanan dahil nais nilang makalamapag ang pamahalaan.
Nais nilang umiral ay ang human rights based approach at multidisciplinary approach sa pagkamit ng hustisya. Hindi rin umano masasabi na ang parusang kamatayan ang makakapigil sa paggawa ng mga krimen na tinawag pa nitong “false promise”.
Dagdag pa Dumpit na nagsagawa umano sila ng survey kung saan ayon dito ay hindi umano pinipili ng mga pilipino ang naturang parusa dahil sapat nang maikulong sa piitan ang suspek.