DAGUPAN, CITY— Inirekomenda ng City Health Office (CHO) sa pamahalaang panlungsod ng Dagupan na dapat pumirma ng isang Memorandum of Agreement kasama ang pamunuan ng Region 1 Medical Center at iba pang private institution patungkol sa paghahanda kung sakaling may mga indibidwal na makaranas ng adverse effect ng COVID-19 vaccine dito sa lungsod.

Ayon kay Dagupan City Mayor Marc Brian Lim, kanyang sinabi na mahalaga umano ang pakikipagkasundo ng kanilang tanggapan sa R1MC at iba pang pribadong kompanya upang may isang konkretong paghahanda ang lungsod sakaling may mga indibidwal na matuturukan ng naturang bakuna na makakaranas ng adverse effect at maidala umano ito agad sa ospital.

Ang nabanggit na hakbang ay batay na rin sa mungkahi ng CHO upang masiguro ang kaligtasan ng lahat ng mga mamamayan na matuturukan ng bakuna laban sa COVID-19.

--Ads--
Tinig ni Dagupan City Mayor Marc Brian Lim

Sinisiguro naman ng naturang alkalde na nakaprepara na ang kanilang tanggapan upang matugunan ang gagawing vaccination activity sa kanilang lungsod.

Dagdag pa ni Lim, sa kanilang pag-uusap ni Health Secretary Francisco Doque III, nabanggit umano ng kalihim na 100% na makakatulong ang naturang bakuna upang maiwasan ang sintomas ng COVID-19 at maospital dahil dito. (with reports from: Bombo Framy Sabado)