Nilinaw ni Chinese Ambassador Jing Quan na walang kinalaman ang China sa kontrobersyal na Artificial Intelligence (AI) video na ipinakalat ng isang Chinese state run media matapos ilarawan ang mga Pilipino bilang mga unggoy.

Giit ng ambasador na gawa ito ng media at hindi ng gobyerno. Aniya, hindi umano kontrolado ng pamahalaan ng China ang lahat ng inilalathala ng mga media organization sa kanilang bansa.

Nanawagan din si Jing na ipagpatuloy na lamang ng Pilipinas at China ang dayalogo upang mapabuti ang relasyon ng dalawang bansa sa kabila ng nagpapatuloy na tensyon sa West Philippine Sea.

--Ads--

Ayon sa kanya, may mga hindi pagkakaunawaan din ang China sa iba pang mga karatig-bansa, ngunit naniniwala siyang dapat manaig ang dayalogo at negosasyon.

Iminungkahi rin ng Chinese Ambassador na isantabi muna ng bansa ang mga hindi pagkakasundo at pagtuunan ng pansin ang posibleng kooperasyon sa oil at gas exploration.

Kasabay nito, kinumpirma ni Jing na magkikita sina Chinese Foreign Minister Wang Yi at Foreign Affairs Secretary Ma. Theresa Lazaro sa sidelines ng ASEAN Foreign Ministers’ Meeting upang talakayin ang isyu sa pagitan ng dalawang bansa.