Naglunsad ang China ng pinakamalawak nitong military exercises malapit sa Taiwan matapos magpaputok ng mga rocket sa karagatang nasa hilaga at timog ng isla noong Martes.
Bahagi ito ng 10-oras na live-fire drills ng Eastern Theater Command na nagsanay ng posibleng blockade laban sa Taiwan.
Kasama sa tinaguriang “Justice Mission 2025” ang mga simulasyong pag-atake ng hukbong-dagat at himpapawid ng China, anti-submarine operations, at pagpapakita ng mga bagong assault ships.
Isinagawa ang mga drills 11 araw matapos ianunsyo ng Estados Unidos ang rekord na $11.1 bilyong arms package para sa Taiwan.
Mariing kinondena ito ng China at nagbabala na gagawa ito ng “matitinding hakbang” bilang tugon.
Nagbabala rin ang Taiwan Affairs Office ng China na ang sinumang dayuhang puwersang makikialam sa usapin ng Taiwan ay haharap sa matinding pagtugon ng People’s Liberation Army.
Tumaas pa ang tensyon matapos ang pahayag ng isang opisyal ng Japan na posibleng tumugon ang Tokyo sakaling atakihin ang Taiwan.
Samantala, sinabi ng isang opisyal ng Taiwan Defense Ministry na pinalalakas ng China ang mga drills upang pahinain ang tiwala ng publiko sa kakayahan ng gobyerno ng Taiwan na ipagtanggol ang bansa.









