Kinansela ng China ang mga flight sa 49 ruta patungong Japan kasunod ng panibagong travel advisory na inilabas ng Beijing.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Hannah Galvez – Bombo International News Correspondent sa Japan ikalawang beses na itong ginawa ng China matapos ang katulad na kanselasyon noong Nobyembre, kung kailan inaasahan sana ang dagsa ng mga turistang Chinese.
Sa pagkakataong ito, inextend ang kanselasyon hanggang Pebrero 17, sakto sana sa panahon ng Chinese at Lunar New Year kung kailan tradisyonal na tumataas ang bilang ng mga bumibiyahe palabas ng China.
Gayunman, dahil sa biglaang kanselasyon ng mga flight, tuluyang naapektuhan ang mga naka-book na biyahe.
Agarang naramdaman ang epekto ng desisyon sa industriya ng turismo ng Japan.
Maraming hotel, restaurant, at iba pang negosyo ang nag-ulat ng kanseladong reservations kahit pa handa na ang kanilang mga serbisyo para sa peak season.
Bagama’t may kaunting paghahanda na ang ilang negosyo dahil sa naunang kanselasyon, nananatili pa ring malaki ang pinsala.
Kilala ang mga turistang Chinese bilang malalakas gumastos, partikular sa pamimili ng mga branded na produkto sa Japan, kung saan mahigpit ang regulasyon laban sa mga pekeng produkto.
Dahil sa pagbaba ng bilang ng mga turistang ito, nabawasan din ang customers ng maraming retail stores at shopping districts.
Ayon sa datos, tinatayang 47.2 porsyento ng mga dayuhang turista sa Japan ay mula sa China, dahilan upang ituring ang mga Chinese bilang pinakamalaking tourist market ng bansa.
Dahil dito, nagdulot ang kanselasyon ng tinatawag na “domino effect” sa iba’t ibang sektor ng ekonomiya.
Samantala, may ilang lokal at dayuhang turista naman ang nagsabing nakaranas sila ng mas kaunting siksikan sa mga hotel at tourist spots, bunsod ng pagbawas ng bilang ng bisita.
Gayunman ani Galvez, hindi nito napapawi ang kabuuang negatibong epekto sa ekonomiya ng Japan.









