Nilinaw ngayon ng Pangasinan Provincial Police Office na magpapatuloy pa rin ang kanilang kaalertuhan kahit pa tapos na ang halalan.

Ito mismo ang nabatid kay Pangasinan Police Provincial Office (PPO) Director Police Colonel Wilson Lopez sa panayam mismo ng Bombo Radyo Dagupan.

Ayon sa opisyal, epektibo pa rin hanggang sa sunod na buwan ang kanilang mga inilalatag na seguridad tulad na lamang ng check point at umiiral na comelec gun ban sa buong lalawigan ng pangasinan.

--Ads--

Aniya, ipagpapatuloy nila ito hanggang Hunyo 12 upang sa ganoon ay maiwasan ang pagsiklab ng ilang karahasan sa pagitan ng ilang mga magkakatunggaling partido.

Binigyan diin pa nito na nais lamang ng kanilang hanay na masigurong nasa maayos pa rin na kaganapan ang buong lalawigan kahit pa natapos na ang halalan.

Sa ilalim ng firearms o gun ban, bawal magdala ng baril sa mga pampublikong lugar at maging sa loob ng pribadong sasakyan maliban kung ang nagdadala ay may dokumentadong awtorisasyon mula sa Comelec. Habang sa checkpoint, sisilipin lang ng unipormadong pulis o sundalo ang lahat ng daraan na mga motorista.

Ang mga motorista naman ay hindi kailangang magbukas ng pinto o compartment o kaya ay bumaba habang sinisilip ng mga awtoridad ang looban ng saksakyan.