Malawak ang naging epekto ng sama ng panahon sa Central Luzon, kung saan halos dalawang libong barangay ang naapektuhan at nasa 4.2 milyong indibidwal ang kabilang sa mga apektado sa buong rehiyon. Hanggang ngayon, 375 barangay pa rin ang nakararanas ng pagbaha habang nagpapatuloy ang assessment sa mga lugar na tinamaan.


Ayon kay Raymond Garcia, Information Officer ng OCD Region 3, mahigit ₱1.8 bilyon na ang naitalang pinsala sa agrikultura habang nasa ₱2.16 bilyon naman ang pinsala sa imprastraktura. Posible pa itong madagdagan habang nagpapatuloy ang pagsusuri sa lawak ng pinsala sa iba’t ibang lalawigan.


Nasa 90 local government units na rin ang nagdeklara ng state of calamity, habang Aurora at Nueva Ecija na lamang ang hindi pa kabilang sa mga lugar na nasa ilalim nito. Limang casualties na ang kumpirmado sa rehiyon, habang nagpapatuloy ang rescue operations sa mga kritikal na lugar. May ilang lugar din na nahihirapang makatanggap ng relief goods dahil sa kondisyon ng mga daanan, kabilang ang ilang bahagi ng Zambales.

--Ads--


Samantala, nananatili sa red alert status ang Central Luzon habang nagpapatuloy ang mga pag-ulan at umiiral ang heavy rainfall warning. Katuwang ng OCD ang mga lokal na pamahalaan sa rescue at relief operations, kabilang ang pagtugon sa sitwasyon sa Tarlac kung saan isinasagawa ang pagtatayo ng Bailey Bridge bilang pansamantalang tawiran sa nasirang tulay. Patuloy namang minomonitor ng mga awtoridad ang kondisyon ng mga lugar na maaari pang maapektuhan ng pag-ulan.