Ibinahagi ng DENR-Community Environmental and Natural Resources o CENRO Pangasinan ang impormasyon tungkol sa mga sea snake na namataan sa Tondaligan Beach.
Ayon kay Philip Matthew Licop ang Ecosystem Management Specialist sa nasabing opisina na nakatanggap sila ng ulat tungkol sa tinatayang 30 spine-bellied sea snakes na namataan sa dalampasigan ng Bonuan Tondaligan Beach noong Enero 16 at 17, taong kasalukuyan.
Aniya na ang ahas na ito ay kilala rin bilang “kumising” sa lokal na tawag o “walowalo,” kung saan ang mga sea snake na ito ay may maikling katawan, palikpik sa buntot, at spine-like scales sa ilalim ng tiyan.
Maituturing din umano itong highly venomous at nagtataglay ng potent na neurotoxic venom na maaring maging fatal na magdulot ng pagkasawi sa makagat nito.
Gayunpaman, nilinaw ni Licop na karaniwang docile ang mga sea snake at bibihira lamang kumagat maliban kung matapakan, mahawakan ng mali, o threatened.
Saad niya na maraming factor kung bakit aniya sila nakarating sa dalampasingan kung saan maaaring ang mga sea snake ay na-discard o nakuha mula sa mga fishing nets o kaya’y namatay dahil sa problema sa ecosystem o malalakas na alon.
Kaugnay nito, wala pa naman aniyang naisusurender sa kanilang opisina tungkol dito dahil hindi tumatagal sa dalampasigan ang nasabing mga ahas kung kayat tinatabunan na lamang ang mga ito kapag patay na.
Pinapayuhan naman niya ang publiko na huwag hawakan ang mga sea snake at agad na ipagbigay-alam sa mga awtoridad kung may makitang muli para sa tamang pagtugon.










