DAGUPAN CITY- Nagbabala ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) ng Dagupan City sa publiko laban sa paglabag sa batas dahil sa pagdidikit ng mga campaign materials sa mga puno ngayong panahon ng eleksyon.

Ayon kay Engr. Noriel Nisperos, City Environment and Natural Resources Officer, na ang paggawa nito ay nakakasira sa mga puno at labag sa Presidential Decree No. 953.

Ang PD 953 ay nagbabawal sa pagsugat o pagsira ng mga puno sa mga pampublikong lugar, paaralan, malapit sa mga ilog, at sa loob ng mga subdivision (kabilang ang mga common areas at right-of-ways).

--Ads--

Ang mga lalabag ay mahaharap sa parusang pagkakakulong ng anim (6) hanggang dalawampu’t apat (24) na buwan at multa na ₱500 hanggang ₱5,000, depende sa desisyon ng korte habang parehong mapaparusahan ang mga taong direktang nagdidikit ng mga poster at ang mga nag-utos nito.

Saad pa ni Engr. Nisperos, sakop din ng PD 953 ang pagdidikit ng mga campaign materials sa mga puno sa pribadong pag-aari, lalo na sa mga subdivision.

Sa ibang kaso naman, maaaring maaplay ang provision on ownership sa Civil Code, gaya ng trespassing, kung hindi humingi ng pahintulot.

Ipinaliwanag din nito ang kahalagahan ng mga puno sa ating kalikasan, na nagbibigay ng oxygen at lilim.

Sa kabilang banda, nakapagpadala na sila ng mga liham sa mga Election Supervisor sa 20 munisipalidad at dalawang lungsod na sakop nila upang matulungan sila na maipaalam ang probisyon sa mga kandidato.

Magsasagawa rin sila ng monitoring sa mga kalsada upang matiyak na sinusunod ang batas na ito sa tamang pagkakabit ng poster.