Dagupan City – Bilang paggunita sa Earth Day magsasagawa ngayong araw ang Community Environment and Natural Resources Office (CENRO) Dagupan City ng Information, Education, and Awareness (IEC) Campaign sa dalawang unibersidad sa lungsod.
Ayon kay Philip Matthew R. Licop, Ecosystem Management Specialist 1 ng CENRO, na layunin ng programa na maipadama sa mga kabataan ang kanilang mahalagang papel sa pangangalaga ng kalikasan at maalis ang paniniwalang “walang magagawa para sa planeta.”
Ang programang ito ay bahagi lamang ng mas malawak na inisyatiba ng CENRO na makipagtulungan sa mga Local Government Units (LGUs), National Government Agencies, at iba pang sektor upang maisulong ang isang mas malinis at mas sustainable na lipunan.
Ang tema ngayong taon para sa Earth Day au “Our Power, Our Planet,” na nagbibigay-diin sa responsibilidad ng bawat isa sa paggamit ng renewable energy at pagtugon sa climate change.
Sinabi ni Licop na mahalaga ang pag-unawa sa mga isyung pangkalikasan, lalo na ang wastong pamamahala ng basura, upang mas mapalakas ang pagkilos tungo sa pangangalaga ng planeta.
Ang mga pagbabago sa temperatura at pagdami ng mga kalamidad ay nagsisilbing paalala sa kagyat na pangangailangan nito.
Inaanyayahan ng CENRO ang lahat, lalo na ang iba’t ibang sektor, na maging aktibong kalahok sa mga programang pangkalikasan hindi lamang sa Earth Day, kundi araw-araw.