Patuloy ang ginagawang power restoration ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) sa mga bayan at lungsod na naapektuhan ng malawakang pagkawala ng kuryente dulot ng mga natumbang punong kahoy at nasirang linya ng kuryente dahil sa bagyong Uwan.

Ayon kay Engr. Rodrigo Corpuz, General Manager ng CENPELCO, tuloy-tuloy ang ginagawang pagkukumpuni ng mga linya.

Aniya, ang mga “light-affected” lines ay inaayos tuwing gabi, habang ang mga “heavy lines” o malalaking linya ay tinututukan sa araw upang masiguro ang kaligtasan at maayos na daloy ng kuryente.

--Ads--

Hanggang ngayong araw, target nilang matapos ang restoration ng main supply.

Isusunod naman ang mga sitios at extended purok na may nasira ring linya.

Ipinabatid din ng CENPELCO na 100 porsiyento nang naibalik ang suplay ng kuryente sa bayan ng Mangatarem, habang nagpapatuloy pa ang restoration activities sa mga malalaking bayan tulad ng Malasiqui, San Carlos, Sual, at Bayambang, na kabilang sa mga lugar na matinding naapektuhan ng insidente.

Dagdag pa ni Corpuz, kinakailangang masiguro muna ang kaligtasan ng mga linya bago muling daluyan ng kuryente upang maiwasan ang anumang aksidente o karagdagang pinsala.

Patuloy namang humihiling ng pang-unawa ang kanilang tanggapan sa publiko habang ginagawa ang lahat ng paraan upang maibalik agad ang normal na suplay ng kuryente sa lahat ng kanilang nasasakupan.