DAGUPAN CITY- Patuloy na nagsasagawa ng normal na operasyon ang Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) sa kabila ng nararanasang init ng panahon at mataas na heat index.

Ayon kay Rizalinda Reyes, Spokesperson mula sa Member Services Department ng CENPELCO, may mga hakbang silang isinasagawa upang maiwasan ang mga hindi inaasahang power interruptions na dulot ng pagkapinsala ng kanilang mga pasilidad.

Ipinahayag ni Reyes na isang malaking factor ang heat index sa pagpapataas ng demand sa kuryente. Kapag mainit ang panahon, sabay-sabay na ginagamit ng mga konsyumer ang mga appliances upang maging komportable, na nagiging sanhi ng domino effect sa kanilang sistema. Ang mataas na demand ay nagreresulta sa kakulangan ng supply ng kuryente, kaya’t nagiging dahilan ng mga hindi inaasahang power interruptions.

--Ads--

Kaugnay nito, magsasagawa ang CENPELCO ng isang scheduled power interruption sa darating na Marso 29 mula alas-6 ng umaga hanggang alas-6 ng hapon. Isasagawa ito upang magpatuloy ang kanilang preventive maintenance activities sa mga substations, isang aktibidad na isinasagawa ng isa hanggang dalawang beses sa isang taon. Maapektuhan ang mga bayan ng Lingayen, Binmaley, Bugallon, Aguilar, Mangatarem, at ilang bahagi ng Urbiztondo. Nilinaw naman ni Reyes na kung matapos nila ang maintenance activities nang mas maaga, ibabalik agad ang supply ng kuryente sa mga apektadong lugar.

Sa kabilang banda, kinakaharap ngayon ng CENPELCO ang isang isyu ng mga konsyumer na nahihirapang magbayad ng kanilang mga bill sa tamang oras. Ayon kay Reyes, marami sa kanilang mga konsyumer ang nag-iisip na hindi sila agad mapuputulan ng kuryente, kaya’t ipinagpapaliban nila ang pagbabayad ng kanilang mga bill.

Lalo na ngayong mainit ang panahon, kung saan tumaas ang konsumo ng kuryente, nagiging sanhi ito ng pagtaas ng mga bayarin ng mga konsyumer.