DAGUPAN CITY- Inaasahan ng Central Pangasinan Electric Cooperative (CENPELCO) na tataas ang demand sa kuryente ngayong panahon ng tag-init, na posibleng mangyayari ito mula buwan ng Marso hanggang Hulyo.

Sa kabila ng mga ulan na nararanasan tuwing buwan ng Hunyo at Hulyo, patuloy pa rin ang init ng panahon na nagiging sanhi ng mataas na konsumo ng kuryente mula sa mga residente.

Ayon kay Rizalinda Reyes, Spokesperson at mula sa Member Services Department – CENPELCO, ayon sa mga datos mula sa nakaraang taon, nagkaroon ng pinakamalaking “shoot-up” ng demand sa kuryente.

--Ads--

Tinatayang nasa 20% lamang ang itinataas na konsumo ng kuryente mula sa mga regular na buwan, ngunit ito ay mas mataas kumpara sa mga naunang taon.

Kasama na dito ang pangangailangan ng mga kagamitan sa pagpapalamig at iba pang mga gamit na nagdudulot ng taas ng konsumo.

Aniya na sa kabila ng mataas na demand, inaamin ng CENPELCO na may mga apektadong lugar na nakakaranas ng intermittent o paputol-putol na serbisyo ng kuryente.

Ito ay nangyayari tuwing tumataas ang demand na hindi kayang tugunan ng kanilang mga pasilidad.

Ilan sa mga problema umano na nararanasan ay ang low voltage at momentary interruptions, na sanhi ng pagbibigay ng pasilidad dahil sa matinding load.

Napag-alaman din na halos 80% ng kabuuang konsumo ng kuryente mula sa CENPELCO ay nagmumula sa mga residential na consumer.

Samantalang kaunti lamang ang nagmumula mula sa mga industrial at commercial consumers.

Gayunpaman, inihayag ng CENPELCO na kahit may pagkakaiba sa konsumo ng mga industrial at commercial consumers, ang mga residential consumers pa rin ang may pinakamalaking kontribusyon sa overall demand.

Dahil sa patuloy na pagtaas ng demand sa kuryente, nagbigay ng panawagan ang CENPELCO sa mga consumer na magtipid at maging maunawain sa kabila ng kanilang kakayahan na magbayad ng kuryente.

Hinihiling nila sa lahat ng residente na makipagtulungan upang maiwasan ang mga posibleng kakulangan sa suplay ng kuryente at matulungan ang kooperatiba na pamahalaan ang pagtaas ng demand na hindi kayang tugunan ng mga pasilidad at supplier.

Sa kabila ng mga hamon ng tag-init, umaasa ang CENPELCO na ang bawat isa ay magiging responsable at makikipagtulungan upang mapanatili ang maayos na serbisyo ng kuryente sa buong rehiyon.