DAGUPAN CITY- Ikinatuwa ng mga Pilipino sa Israel nang inanunsyo na ni US President Donald Trump ang pinal na tigil-putukan sa pagitan ng Israel at Iran.

Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Shay Kabayan, Bombo International News Correspondent sa nasabing bansa, ikinalungkot nila ang pagkasawi ng ilan pang mga sibilyan bago nila matanggap ang naturang anunsyo.

Aniya, patuloy pa rin ang pag-abiso sa kanila ng gobyerno ng Israel na patuloy maging alerto.

--Ads--

Kapansin-pansin din kase ang hindi buong tiwala ng Israel sa Iran na tutupad sa napagkasunduang tigil-putukan.

Aniya, inaasahan nila ngayon na unti-unti nang babalik sa normal ang kanilang pamumuhay.

Ibinagi pa ni Kabayan na halos hindi sila makatulog nang magsimula ang 12-day conflict sa pagitan ng dalawang bansa.

Hindi aniya mawala ang takot at pangamba lalo na sa tuwing nakakarinig ng pagsabog.

At sa loob ng 12 araw, natigil din ang kaniyang trabaho dahil nakasara ang airspace ng Israel kung saan siya nagtatrabaho.