Dagupan City – Nagbigay ng mahalagang kaalaman sa kahandaan sa kalamidad ang City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) sa mga benepisyaryo ng tulong pinansyal ngayong araw sa Dagupan.
Ito ay kasabay ng pamamahagi ng pinansyal na tulong mula sa lokal na pamahalaan ng Dagupan na isinagawa ng City Social Welfare and Development Office (CSWDO) at Agriculture Office kaninang umaga.
Kabilang sa mga nakatanggap ang mga senior citizens, magsasaka, mangingisda, at iba pang indibidwal na nangangailangan ng tulong para sa burial at medical assistance.
Ayon kay Jeffrey Domantay, Team Leader ng Information Education Campaign (IEC) ng CDRRMO, layunin ng lecture na bigyan ang mga benepisyaryo ng sapat na kaalaman hinggil sa iba’t ibang uri ng kalamidad tulad ng bagyo, baha, at lindol na maaaring maranasan sa kanilang lugar, gayundin ang mga paraan ng paghahanda at pagtugon dito.
Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng pagdarasal, pananatiling kalmado, pagtuturo ng Duck, Cover and Hold at paghahanda ng “Go Bag” na naglalaman ng mga mahahalagang gamit para sa posibleng paglikas.
Ang inisyatibong ito ay bahagi ng direktiba ng alkalde ng lungsod upang masiguro na ang bawat residente, lalo na sa 31 barangay, ay may sapat na kaalaman sa disaster preparedness.
Ibinahagi rin ni Domantay na sa kabila ng 4.4 magnitude na lindol na naramdaman sa Dagupan kahapon na nasa Intensity II, ay wala namang naitalang nasaktan o nasirang imprastruktura sa lungsod.
Dahil dito, patuloy ang CDRRMO sa pagsasagawa ng mga ganitong aktibidad upang matiyak na ang lahat ng residente ay may kakayahang protektahan ang kanilang sarili at pamilya sa panahon ng kalamidad.