Inakusahan ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano si Health Secretary Teodoro Herbosa ng umano’y pagpo-politicize sa pondo ng gobyerno, kasunod ng sinasabing pagtanggal ng kanyang kakayahang mag-refer ng pasyente sa mga ospital.

Sa isang fellowship lunch, iginiit ni Cayetano na bahagi ng kanyang tungkulin bilang mambabatas ang pagbubunyag ng mga problema sa sistema ng kalusugan ng bansa. Aniya, may mga “kaibigan” siya mula sa Department of Health (DOH) na nagsabing hindi na siya maaaring magpadala o mag-refer ng pasyente sa mga ospital.

Giit ni Cayetano, handa siyang humanap ng ibang paraan upang matulungan ang mga pasyente, kahit pa raw gumamit ng mga bus para maihatid sila sa mga ospital kung kinakailangan.

--Ads--

Matatandaang noong Enero, sinabi ni Herbosa na hindi na kailangan ng mga mahihirap na pasyente ang guarantee letters (GL) mula sa mga politiko upang makakuha ng tulong medikal sa ilalim ng Zero Balance Billing program ng DOH.

Ayon sa kalihim, ipinagbabawal na rin ang paggamit ng GL sa mga government hospital para sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients (MAIFIP) program bilang bahagi ng bagong patakaran ngayong taon.

Pinatutsadahan din niya si Herbosa, sinabing may pondo ang DOH pero hindi naman ito sapat na nagagamit para sa mga programang gaya ng flu vaccination.

Umapela rin si Cayetano kay Senate President Sherwin Gatchalian, na dapat tutukan nito ang isyu ng umano’y pamumulitika sa pondo sa ilalim ng DOH.