Nakapagtala ng pagbaba at sumadsad sa pinakamababang antas sa loob ng siyam na buwan ang padalang salapi ng mga Overseas Filipino Workers (OFW) noong buwan ng Pebrero, ngunit nananatiling mas mataas ang pangkalahatang pondo na naipasok sa bansa ngayong taon.

Base sa inilabas na datos ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) nitong Miyerkules, pumalo lamang sa $2.786 bilyon (₱167.08 bilyon) ang naitalang cash remittances o ang mga padalang dumaan sa bangko noong Pebrero.

Mas mababa ito kumpara sa $3.020 bilyon (₱181.11 bilyon) na naitala noong buwan ng Enero.

--Ads--

​Ito na ang pinakamababang antas na naitala mula pa noong Mayo 2025. Gayunpaman, mas mataas ito ng kaunti kumpara sa $2.716 bilyon na naitala noong Pebrero ng nakaraang taon.

​Mula sa kabuuang cash remittances para sa nasabing buwan, nagmula ang $2.25 bilyon sa mga land-based workers, habang nag-ambag naman ng $0.53 bilyon ang mga sea-based workers.

Sa kabila ng pagbaba noong Pebrero, iniulat ng BSP na umabot pa rin sa $5.806 bilyon (₱348.19 bilyon) ang year-to-date cash remittances sa unang dalawang buwan ng taon—mas mataas sa $5.633 bilyon sa parehong panahon noong 2025.