Ipinagtanggol ni Chloe San Jose ang nobyong si Carlos Yulo kaugnay ng samu’t saring batikos nang magdiwang ang champion gymnast ng kanyang ika-25 kaarawan.
Nag-post si Chloe noong February 16, 2025 ng mga larawan nila ni Carlos na kuha sa naging selebrasyon ng birthday ng two-time Paris Olympics gold medalist sa Ho Chi Minh City, Vietnam.
Sa caption ng post, pinasalamatan ni Chloe si Carlos sa ligaya at pagmamahal na ibinibigay nito sa kanilang relasyon.
Samantala, sa comments section ng post ni Chloe ay may ilang netizens ang nagtanong kung bakit wala ang pamilya ni Carlos sa selebrasyon.
Hindi ito pinalampas ni Chloe at nag-reply sa netizen na bakit aanyayahan ni Carlos ang pamilya kung kahit pagbati ay wala raw natanggap si Carlos mula sa mga ito.
Matagal-tagal nang sinusubaybayan at pinag-uusapan online ang alitan ni Carlos Yulo at ng kanyang pamilya partikular na ang hindi pagkakaunawaan ng mag-inang Angelica Yulo at Carlos.
Samu’t saring paratang at batikos ang nakukuha ni Carlos mula nang sumambulat sa publiko ang pananabla at pagdedeadma umano niya sa kanyang pamilya, at ang pagpili at pagtatanggol nito sa nobyang si Chloe.
Bukod sa usaping pera, lumabas ding hindi gusto ni Angelica ang girlfriend ni Carlos na si Chloe.
Nagsimulang matuon ang atensiyon ng publiko sa gusot sa pamilya Yulo isang araw matapos manalo si Carlos ng unang medalyang ginto sa Paris Olympics 2024 men’s gymnastics floor exercise noong August 3, 2024.