Dagupan City – Matagumpay na isinagawa sa bayan ng Mangaldan partikular na sa barangay Malabo ang kauna-unahang public service activity na “Care for Kids”.

Ang inisyatibang ito ay pinangunahan ng Mangaldan Lions Club 301-C.

Ipinaabot naman ni Mangaldan Mayor Bona Fe Devera Parayno ang kaniyang pasasalamat sa samahan sa ilalim ni Community Affairs Officer (CAO) Designate Samuel B. Soriano.

--Ads--

Sa mensahe ng alkalde sa pamamagitan ni Soriano, pinasalamatan niya ang mga bumubuo ng Mangaldan Lions Club na pinamumunuan ni Atty. Dane Rainier M. Estepa, sa ibinigay nilang libreng serbisyong-medikal, supplemental feeding, vitamins at iba pang gamot, school supplies, at nutrition awareness talks sa halos animnapung estudyante mula sa Malabago Elementary School.

Malapit din kasi ang alkalde sa samahan dahil miyembro rin aniya siya ng Lions Club Mabuhay Chapter sa Los Angeles Estados Unidos.

Pinuri naman ng alkalde sa kanyang mensahe ang maagap na pagsunod sa mga protocol at requirement ng Mangaldan Lions Club alinsunod sa kanyang nilagdaang Executive Order No. 2024-002 na nagsasaad na kailangang dumaan sa tamang proseso ang mga interesadong organizers upang mabigyan sila ng special temporary permit para makapagsagawa ng otorisadong medical missions sa bayan.

Kaugnay nito ang Mangaldan Lions Club ay katuwang din ng lokal na pamahalaan ng bayan sa pagbibigay-serbisyo.