Kinilala ang Barangay Canaoalan bilang isa sa mga malilinis na barangay sa buong Binmaley, ayon kay Barangay Captain Tede Torrente, na patuloy na binibigyang-prayoridad ang kalinisan at mga pangunahing serbisyo sa komunidad.
Isa sa mga ipinagpasalamat ni Torrente ang muling paggana ng 16 CCTV cameras sa barangay na makatutulong sa seguridad at pagmamanman sa lugar.
Patuloy din ang kanilang isinasagawang waste management kung saan regular na kinokolekta ang basura, kabilang ang tuwing Biyernes. Nakatulong din umano ang pagkakaroon ng mini dump truck upang maging mas maayos ang pangongolekta at pagtatapon ng basura.
Gayunman, kabilang sa pangunahing pangangailangan ng barangay ang pagkakaroon ng sariling rescue vehicle upang hindi na palaging manghiram ng ambulansya sa municipal government kapag may emergency. Nais din ng barangay na magkaroon ng mas malaking dump truck upang mas mapalakas ang kanilang waste management operations.
Nabanggit din ni Torrente ang problema ng saltwater intrusion tuwing high tide na nakaaapekto sa pagtatanim sa ilang bahagi ng barangay. Sa kabila nito, patuloy aniya ang kanilang pagsisikap na mapanatili ang kalinisan at kaayusan ng Canaoalan.
Samantala, kasunod ng pagpapaliban ng halalan, sinabi ni Torrente na hihintayin na lamang ang susunod na election sa 2028 at gagamitin ang natitirang panahon upang ipagpatuloy ang serbisyo at mga programa para sa mga residente.










