Nasa mataas na antas ng kasiglahan at paghahanda ang buong Canada sa pagsisimula ng FIFA World Cup 2026.

Ayon kay Ruth Torio Magalong, Bombo International News Correspondent sa Canada, ramdam na sa iba’t ibang lungsod ng Canada ang mala-piyestang pagdiriwang bilang pagho-host ng isa sa pinakamalaking sporting events sa mundo.

Aniya, naging mahalagang salik sa pagpili sa Canada bilang host country ang pagiging multicultural nito at ang matatag na suporta ng mga komunidad sa larangan ng sports, partikular sa football o soccer.

--Ads--

Bagamat hockey ang itinuturing na pangunahing sport sa Canada, pumapangalawa naman ang soccer sa pinakapopular na mga laro sa bansa.

Sa Vancouver, kung saan kasalukuyang naroroon si Magalong, makikita umano ang iba’t ibang dekorasyon, konsiyerto, cultural performances, at iba pang aktibidad bilang bahagi ng pagdiriwang.

Isinara rin ang ilang pangunahing lansangan upang bigyang-daan ang mga fan activities at FIFA-themed events.

Ayon sa kanya, inaasahan ng pamahalaan ng Canada ang malaking benepisyong pang-ekonomiya mula sa pagdaraos ng torneo. Bilyong dolyar ang inilaan ng federal government para sa imprastraktura, seguridad, operasyon, at iba pang paghahanda para sa pandaigdigang kompetisyon.

Tinatayang daan-daang libong turista ang dadagsa sa mga host cities tulad ng Vancouver at Toronto. Dahil dito, inaasahan din ang pagtaas ng demand sa mga hotel at accommodation facilities, kabilang ang mga Airbnb at pribadong rental units.

Mahigpit naman ang ipinatutupad na seguridad sa mga venue. Kabilang sa mga ipinagbabawal ang pagdadala ng ilang uri ng containers at iba pang bagay na maaaring magdulot ng panganib.

Dadaan din sa security screening ang lahat ng manonood bago makapasok sa mga stadium.