BOMBO DAGUPAN- Malasakit at kaalaman. Dito nagsimula ang ideya nina Yvette Adelaine Dalusong, volunteer ng Hair Donation kontra Oil spill sa Bataan, upang magsagawa ng ‘Call for action initiative‘ na mangolekta ng mga buhok upang gamiting natural na panlinis sa oil spill mula MT Terra Nova sa Bataan.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan sakaniya, ang kaalaman sa paggamit ng buhok ay mula kay Jeffrey Lobos, propesor sa kaniyang alma matter. Nang mabasa niya ang post nito sa isang social media kaugnay sa nabanggit ay agad nitong kinausap upang malaman ang magiging sistema.

Ayon din kay Lobos, mula din sa panayam sa kaniya, naging inspirasyon nila sa isinasagawang inisyatibo ang ginawang aksyon din upang tugunan ang malapitang oil spill sa Guimaras noong 2006.

--Ads--

Kaya matapos niyang mabalitaan ang oil spill sa nasabing lugar at kumakalat ito sa ilang coastal areas sa karatig probinsya ay agad din siyang nagpost sa social media upang makahingi ng tulong sa mga salon at barber shop.

At sa ngayon, sa pinagsamang tulong nina Dalusong at Lobos, marami na din ang mga lumapit sakanila, partikular na sa Pampanga, upang mamahagi ng naipon buhok mula sa kanilang negosyo.

Sinabi din ni Dalusong na gusto niya din itong ilapit sa mga Sangguniang Kabataan upang makatulong sa pagpapabuti ng magandang impluwensya bilang kabataan.

Nakipag-ugnayan na din sila sa Provincial Youth Development sa Kapitolyo, San Fernando, sa Pampanga at sa kasalukuyan ay hinihintay nalang nila ang tugon ng mga ito sa kanila.

Saad ni Dalusong, naglagay sila ng mga drop off areas sa ibang mga bayan sa Pampanga upang mapadali ang pangongolekta nila sa mga nakikipagtulungan sakanila.

Samantala, sinabi ni Lobos na sa pamamagitan ng pagsisilid ng mga nakolektang buhok sa stockings o gamit na kulambo ay makakabuo ito ng ‘Hairbooms‘. Ito ang magagamit upang malinis ang oil spill.

Maliban diyan, maaari din aniyang gamitin ang coconut husk bilang alternatibo sa buhok.

Nananawagan naman si Lobos na mga LGUs at Municipal Environmental offices na makiisa din sa inisyatibo na mangolekta ng mga buhok.

Hinihikayat din ni Dalusong ang gobyerno na magkaroon ng long term solution kaugnay sa oil spill.

Ito kase anila ay maituturing na public health concern dahil maliban sa epekto nito sa kalikasan at magdudulot din ito ng masama sa kalusugan ng mga tao.