Dagupan City – Ilang linggo matapos ang unang araw ng Comelec gun ban, patuloy na nagsasagawa ng mga checkpoint ang Calasiao PNP sa kanilang nasasakupan upang tiyakin ang kaayusan at kaligtasan ng komunidad.
Ayon kay Plt Noel Domalanta – Operation PCO, Calasiao PNP, bagamat hindi kabilang ang bayan ng Calasiao sa mga itinuturing na “areas of concern” ng Commission on Elections (COMELEC), nananatiling aktibo ang kanilang operasyon bilang bahagi ng kanilang mga hakbang upang matiyak na susunod ang mga residente at hindi magkaroon ng anumang insidente ng karahasan.
Aniya na ang kanilang layunin ay hindi lamang tiyakin ang pagsunod sa gun ban kundi maging ang seguridad ng publiko, lalo na’t may mga panahon ng eleksyon na maaaring magdulot ng tensyon
Bukod dyan ay patuloy na nakamonitor ang kapulisan at may mga checkpoint na nagpapakita ng kanilang kahandaan at pag-iingat.
Dagdag pa niya na nagsasagawa rin ang PNP ng mga random inspections at operasyon upang matiyak na walang mga ilegal na armas ang nakapasok sa kanilang nasasakupan.
Patuloy na minomonitor ng Calasiao PNP ang sitwasyon sa buong bayan at nagpapatuloy ang kanilang mga pagsisikap upang mapanatili ang kaayusan at protektahan ang komunidad mula sa anumang uri ng karahasan.