Tiniyak ni Calasiao Mayor Patrick Agustin Caramat ang patuloy na pagbibigay ng sapat na tulong at pangangailangan sa mga evacuees sa kabila ng unti-unting paghupa ng baha sa ilang bahagi ng bayan, sa lalawigan ng Pangasinan.

Ayon sa alkalde, bagama’t may mga lugar ng nawala ang tubig baha at balik normal na, marami pa rin ang nananatili sa evacuation centers, habang dumarami pa rin ang nagpaparehistro upang lumikas, lalo na mula sa mga low-lying areas kung saan patuloy ang pagtaas ng tubig.

Sa ngayon nananatiling nasa ilalim ng State of Calamity ang Calasiao bunsod ng matinding pagbaha dulot ng mga nakaraang pag-ulan at bagyo.

--Ads--

Aniya, patuloy ang pagbibigay serbisyo sa mga nasa evacuation centers na araw-araw ay mayroong hot meals na ipinapamahagi, pati na rin ang mga pangunahing pangangailangan gaya ng hygiene kits, gamot, at iba pang relief goods.

Dagdag pa ni Mayor Caramat, na masaya at ligtas ang mga evacuees sa kanilang pansamantalang tirahan kaya marami pa rin ang nais lumipat sa evacuation center.

Sa ngayon ay marami pa rin ang mga nagpaabot ng tulong kabilang na ang Department of Social Welfare and Development (DSWD), mga senador, Office of the Vice President (OVP), Pamahalaang Panlalawigan ng Pangasinan, at iba pang national agencies, pribadong kumpanya at indibidwal.

Samantala, nilinaw din ni Caramat ang pagbibigay ng stab para sa relief goods na ibinibigay sa mga lubos na nasalanta.

Aniya, bagama’t limitado ang pondong nagmumula sa national government at lokal na pamahalaan, kaya mas maayos na ipinatutupad ang distribusyon ng relief goods sa pamamagitan ng unipormeng relief stubs na ipinapamahagi sa mga barangay.

Nagpaalala rin ang alkalde sa mga Calasiaoeños na panatilihin ang kalinisan at alagaan ang kalusugan, lalo’t mataas ang posibilidad ng sakit na nakukuha sa maruming tubig baha gaya ng leptospirosis at iba pang waterborne diseases.