Dagupan City – Nagpahayag ng pagiging alerto at puspusang pagbabantay ang Calasiao Municipal Health Office (MHO) sa posibleng pagkakaroon ng kaso ng leptospirosis dahil sa malawakang pagbaha na nararanasan sa bayan.
Marami sa mga barangay ang apektado ng matataas na tubig baha, na sa ilang lugar ay umaabot sa lagpas beywang, balikat, at maging lagpas tao ngunit inaasahan na huhupa ang baha sa mga susunod na araw kung magpapatuloy ang magandang panahon.
Ayon kay Dr. Justin Ross M. Bajao, Medical Officer IV ng Calasiao MHO, nakabantay ang kanilang grupo at nakikipagtulungan sa mga barangay health workers upang aktibong subaybayan ang kalusugan ng mga residente, lalo na ang mga lumikas sa mga evacuation center.
Sa kanilang tala, wala pang kumpirmadong kaso ng leptospirosis, ngunit patuloy silang kumukuha ng datos mula sa iba’t ibang ospital habang nagbibigay naman na sila ng mga gamot, tulad ng doxycycline at prophylaxis, upang maiwasan ang sakit na leptospirosis.
Patuloy rin ang pagbabantay ng MHO sa kalusugan ng mga evacuees sa mga evacuation center kung saan tinitiyak nilang sapat ang kanilang gamot dahil karamihan sa mga sakit na kanilang tinutugunan ay ubo, sipon, at lagnat sa mga bata, habang sa mga may edad naman ay hypertension at diabetes.
May nakahanda ring ambulansya na maaaring gamitin kung may kailangang itakbo sa ospital.
Dagdag pa ni Dr. Bajao, 24/7 silang nakaantabay para sa pangangailangan ng mga evacuees, at bukas pa rin ang kanilang Rural Health Unit kasama ang mga Barangay Health Centers, depende kung hindi pa nalulubog sa baha ang ilan sa mga ito.