DAGUPAN, CITY— Inihayag ni Cabinet Secretary at co-chairman ng Inter-Agency Task Force on Emerging Infectious Diseases (IATF-EID) Karlo Nograles na malaki ang gampanin ng mga Local Government Units (LGUs) upang maisakatuparan ang COVID-19 vaccine plan ng bansa.

Ito ang ibinahagi ni Nograles sa ginanap na PCOO Roadshow sa Hotel Le Duc dito sa lungsod ng Dagupan kahapon.

Ayon sa naturang opisyal, positibo ito na magiging matagumpay ang pagbabakuna ng maraming mga Pilipino sa tulong ng magagandang plano ng mga LGUs para sa pagsasagawa ng naturang hakbang.

--Ads--

Aniya, natutuwa umano ito, lalo pa’t nakikita umano niya sa kanyang pagbisita sa iba’t ibang lokal na pamahalaan sa bansa, kabilang na sa probinsya ng Pangasinan na mas naiimprove o na-eenhance pa umano ng mga LGUs ang inilatag na vaccination plan ng national government.

Inaasahan ng kanilang tanggapan ang tulong ng mga LGUs sa pagkakasatuparan ng kanilang plano sa pagpapabakuna ng maraming Pilipino laban sa nabanggit na sakit.

Sinabi din ni Nograles na tinatayang magsisimula na ang roll-out ng mga bakuna mula sa Pfizer pagkatapos ng Valentines day sa mga napiling bansa.

Nasa 117,000 doses ng Pfizer COVID-19 vaccine ang maituturok sa humigit kumulang na 56,000 na mga health worker sa referal centers mula sa NCR.

Habang nasa 5 hanggang 9 doses naman ng Astrazeneca mula sa World Health Organization (WHO) ang inaahasahan na maipamahagi sa huling linggo ng Pebrero o sa unang linggo ng Marso. (with reports from: Bombo Framy Sabado)