Dagupan City – Hindi pa maaaring ituring na mahalagang ebidensya ang ‘Cabral Files’ kung hindi pa nalalaman ang nasa loob nito.

Ito ang binigyang diin ni Atty. Michael Henry Yusingco, isang political analyst sa naging panayam sa kaniya ng Bombo Radyo Dagupan.

Ngunit paliwanag ni Yusingco, kung sakaling madiskubre na ang mga file ay mga opisyal na dokumento na may kaugnayan sa mga anomalya, maaari itong magsilbing corroborative evidence sa paglilitis ng mga kasong may kinalaman sa pork barrel corruption.

--Ads--

Gayunman, kung mapatutunayang ang mga dokumento ay simpleng itinype lamang ni Cabral, maituturing lamang itong private documents na may limitadong bigat bilang ebidensiya.

Dahil dito, binigyang-diin ni Yusingco na hindi dapat agad kumagat ang publiko sa paniniwalang mahalaga ang “Cabral Files” hangga’t hindi pa malinaw ang nilalaman ng mga ito.

Kaugnay naman ng ginagawang pag-iingay ni Leandro Leviste sa social media, sinabi ni Yusingco na ito ay isang red flag.

Aniya, nakababahala na tila binibitin ang publiko sa impormasyon, gayong kung may seryosong nalalaman ay nararapat itong agad na isinumite o ibinahagi sa mga mambabatas.

Dagdag pa ni Yusingco, ang ganitong uri ng hakbang ay maaaring pahiwatig umano ng intensyong manlinlang, kaya’t nararapat umanong maging mapanuri ang publiko sa mga impormasyong lumalabas, lalo na sa social media.