Naglunsad ng tulong na pagpapahiram ng pera ang Department of Industry (DTI) mula sa Small Business (SB) Corporation para sa Micro, Small and Medium Enterprises (MSMEs) na apektado ng pandemyang COVID-19.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay DTI Provincial Director, Natalia Dalaten, ito ay ang COVID-19 Enterprise Rehabilitation Financing Program o tinatawag din nilang COVID-19 Assistance to Restart Enterprises (CAREs) Program.
Upang makahiram ng pera, dapat ang isang negosyante ay mayroon lamang asset size na hindi hihigit sa P15-M.
Ito ay dapat 100% na Filipino owned na negosyo at may katibayang isang taon o higit nang pinapatakbo bago pa man ang Marso 16, 2020 kung kailan idineklara ang Enhanced Community Quarantine sa Luzon.
Para sa Micro Enterprise o mga negosyanteng mayroon lamang P3-M na asset size o mas mababa pa, ay maaari silang makahiram ng P10,000 – P50,000 na maaaring bayadan sa loob ng isang taon o 12 buwan na mayroong tatlong buwan na grace period at may .5% lamang na interest rate sa isang buwan, kaya’t sumatotal na 6% sa isang taon.
Kailangan lang nilang mag fill out ng loan application form at signature card, kasama ng isang government issued ID na may litrato nila, barangay business permit o certification, katibayan ng permanent business residence gaya ng electric telephone bill.
Kung P50,000 – P150,000 naman ang kayang hiaramin, karagdagang DTI Business Name Registration Certificate ang kailangang ibigay at ay maaari itong bayadan sa loob ng dalawang taon at may anim na buwang grace period.
Para naman sa P150,000 – P200,000 ay mayroon muli itong idadagdag sa kaniyang kaukulang mga dokumento na Mayor’s permit at kailangan na nitong mag-issue ng post-dated check.
Ani Dalaten, pinaka mataas ng maaari nilang hiramin sa naturang programa ay P500,000.
Dagdag nito na dumulog lamang sila sa kanilang tanggapan sa ikalawang palapag ng Star Bldg. sa Arellano Street, Dagupan City o hindi kaya ay magpunta sa mga Negosyo Center sa kani-kanilang mga munisipiyo.