Nanawagan ang BUSINA sa administrasyon na agarang tugunan ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel at iba pang produktong petrolyo, kasabay ng nalalapit na State of the Nation Address (SONA) ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, sinabi ni Marlyn Dela Cruz, Pangulo ng BUSINA, na umaasa ang sektor ng transportasyon na mabibigyan ng konkretong aksyon ang lumalalang suliranin sa mataas na gastusin sa operasyon ng mga pampasaherong sasakyan.
Ayon kay Dela Cruz, isa sa pinakamabigat na pasanin ng mga operator at tsuper ang patuloy na pagtaas ng presyo ng diesel, na sa ilang lugar sa National Capital Region ay umaabot na sa P86 hanggang P90 kada litro. Bagama’t nakatatanggap ng fuel subsidy ang ilang transport operators, sinabi niyang hindi ito sapat upang matugunan ang araw-araw na gastusin sa pamamasada.
Aniya, marami nang mga tsuper ang nahihirapang bumiyahe dahil sa manipis na kinikita matapos ibawas ang gastos sa krudo, maintenance, at iba pang obligasyong pinansyal.
Nilinaw ni Dela Cruz na wala pang nakatakdang transport strike o kilos-protesta ang kanilang grupo sa araw ng SONA.
Gayunman, sinabi niyang hindi nila isinasara ang posibilidad ng mga susunod na pagkilos kung magpapatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis at mananatiling kulang ang tulong na ibinibigay sa sektor.
Binigyang-diin niya na hindi layunin ng kanilang organisasyon na pahirapan ang mga commuter, ngunit kinakailangan umanong marinig ng pamahalaan ang hinaing ng mga operator at tsuper upang maiwasan ang mas malawak na epekto sa pampublikong transportasyon.
Ayon pa kay Dela Cruz, mas matinding epekto ang nararanasan ng mga operator ng modernong jeepney kumpara sa tradisyunal na pampasaherong jeep.
Ipinaliwanag niyang halos lahat ng miyembro ng BUSINA ay gumagamit na ng modernized public utility vehicles na may air-conditioning, dahilan upang mas mataas ang konsumo sa diesel at mas mahal ang maintenance.
Bukod dito, marami pa umanong operator ang patuloy na nagbabayad ng buwanang amortisasyon sa bangko para sa kanilang modernong yunit.
Dahil dito, sinabi niyang may ilang operator na nahihirapan nang bayaran ang kanilang mga obligasyon at nangangambang mapilitang isauli ang kanilang mga sasakyan sa mga nagpapautang kung hindi maaagapan ang problema.










