Sugatan ang isang lalaki matapos bumangga ang isang bus sa isang poste ng kuryente sa Barangay Apulid, Paniqui, Tarlac.
Ayon kay Police Lieutenant Colonel Sean Logronio, hepe ng Paniqui Municipal Police Station, inamin ng bus driver na siya’y inantok habang nagmamaneho matapos ang ilang oras na dire-diretsong byahe.
Dahil sa insidente, bumangga ang bus sa poste ng Tarelco, na nagdulot ng malawakang power interruption sa ilang bahagi ng bayan, kabilang na ang Paniqui Town Proper.
Bukod dito, nadawit rin sa aksidente ang isang lalaking natutulog sa isang kubo malapit sa poste.
Ang biktima ay nagtamo ng malalang sugat, nabalian sa kanyang likod at ayon sa pakikipag ugnayan ng PNP sa hospital, posible umanong operahan ang biktima.
Pansamantalang haharap sa kasong reckless imprudence resulting in physical injury ang driver ng bus.
Samantala, nagbigay naman ng paalala si Logronio sa mga drayber na tiyaking sundin ang tinatawag nilang “blowbagets” bago magmaneho upang maiwasan ang mga ganitong uri ng insidente.