Bombo Radyo Dagupan – Inaasahan na mag-full alert status na ang Bureau of Fire Protection Urdaneta City sa pagsalubong ng bagong taon. Ito ang ibinahagi ni FCInsp. Jhun Wanawan, City Fire Marshal sa Urdaneta City Fire Station, Pangasinan.
Ayon kay FCInsp. Wanawan, nananatiling naka-heightened alert status ang kanilang himpilan, ngunit inaasahan na mag-full alert status na ito sa nalalapit na pag-salubong ng bagong taon.
Aniya, isa rin sa tinututukan ng kanilang himpilan ay ang pagbabantay sa holiday season at isa nga sa kanilang mga aktibidad na isinasagawa ay ang pag-iikot ng fire truck, kung saan ay doon nagbibigay ang mga ito ng impormasyon sa mga residente patungkol sa mga dapat gawin kung may naitalang sunog nang sa gayon ay maiwasan at maagapan ito.
Layunin naman ng kanilang himpilan na makamit muli ang nakamit noong nakaraang taon na walang naitalang sunog sa buwan ng disyembre.
Kaugnay nito, nagsagawa na rin sila ng site inspection sa mga lugar na pag-papatuyan ng mga magtitinda ng paputok, at patuloy pa rin ang kanilang pakikipagtulungan sa mga barangay captain sa syudad upang mapanatili ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod.
Samantala, maglalagay din aniya ang kanilang himpilan ng fire truck malapit sa mga christmas light vendors at imamandato ang mga ito na magdala ng fire estinguisher sa kani-kanilang tindahan.
Sa kasalukuyan, handang-handa na ang kanilang tanggapan sa pagtugon at aksyong kinakailangan ng kanilang mga nasasakupan.
Paalala naman nito sa publiko na iwasan o kung maaari ay huwag nang gumamit ng paputok dahil isa ito sa dahilan kung bakit may mga naitatalang sunog. Bukas naman aniya ang kanilang himpilan at ang kanilang tanggapan, narito naman ang kanilang numero para sa kaalaman ng publiko 0917-184-4611.