DAGUPAN CITY — Patuloy ang isinasagawa ng Bureau of Fire Protection (BFP) Anda na mahigpit na pagbabantay sa mga iba’t ibang mga gawain sa pagsalubong sa Bagong Taon sa kanilang lugar.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay FO2 Reynand Carolino ng BFP Anda, sinabi nito na simula pa lamang ng Disyembre ay nakahanda na ang kanilang hanay sa mga aktibidad kaugnay ng inilunsad nilang Oplan Iwas Paputok na naglalayong mabawasan ang mga naitatalang mga pagkasunog sa naturang bayan na nagiging bunga ng iresponsableng paggamit ng mga paputok sa paggunita ng Bagong Taon.
Aniya na patuloy silang umiikot sa iba’t ibang mga barangay upang payuhan ang mga residente ng bayan ng Anda na hangga’t maaari ay umiwas na gumamit ng paputok.
Maliban dito ay nagbibigay din sila ng mga leaflets at fire safety kits sa iba’t ibang lugar at establisyimento sa nasabing bayan upang magkaroon sila ng kaalaman patungkol sa fire safety tips upang makaiwas sa anumang sakuna o di kanais-nais na pangyayari para sa mas ligtas na pagsalubong sa Bagong Taon.
Kaugnay nito ay tiniyak naman ni Carolino na mahigpit din nilang binabantayan ang bentahan ng mga paputok sa kanilang lugar. Sa nagyon aniya ay mayroon ng 8 stalls na kumuha ng pahintulot sa kanilang himpilan at dumaan sa kaukulan at tamang proseso upang makapagbenta ng mga nasabing produkto.
Dagdag pa ni Carolino na gaya ng ilan pang mga bayan sa lalawigan, tanging mga residente rin lamang ng Anda ang pinahintulutan nilang makapagbenta ng mga paputok sa bayan. Sinabi pa ng opisyal na kakaunti na rin lamang ang nagbebenta ng mga paputok ngayon kumpara ng nakaraang taon dahil na rin nagmahal ang mga presyo ng mga ito.