Naka-full alert ngayon ang iba’t ibang ahensya ng pamahalaan matapos simulan ngayong Linggo, Nobyembre 16, ang tatlong araw na peace rally ng Iglesia ni Cristo (INC), na inaasahang dadaluhan ng malaking bilang ng mga kaanib mula sa iba’t ibang panig ng bansa.

Ayon sa mga opisyal, maagang ipinatupad ang heightened security measures upang matiyak ang kaayusan at kaligtasan ng publiko, lalo na’t inaasahang magdudulot ng mabigat na daloy ng trapiko at pagtitipon ng napakaraming tao sa mga pangunahing lansangan at lugar kung saan nakapokus ang aktibidad ng INC.

Inatasan na ang Philippine National Police (PNP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang lokal na pamahalaan na maglagay ng karagdagang personnel sa paligid ng rally sites.

--Ads--

Nag-deploy din ng mga medical team, volunteer groups, at quick response units upang tumugon sa anumang emerhensiya habang nagpapatuloy ang kilos-protesta.

Bagama’t tinawag na “peace rally,” inaasahan pa rin ng pamahalaan na mahigpit na babantayan ang sitwasyon lalo na sa oras ng pagdagsa ng mas maraming kalahok.

Naka-standby rin ang mga specialized units para sa crowd control at seguridad.

Samantala, nanawagan naman ang mga organizer ng INC sa kanilang mga miyembro na panatilihin ang disiplina, kaayusan, at kooperasyon sa mga awtoridad upang manatiling mapayapa ang tatlong araw na pagtitipon.