Itinakda ng Senado ang mga whole-day impeachment hearings sa Oktubre 1, 2, 5, 6, 7, 8, 9, 12, 13, 14 at 15 upang matapos ang presentasyon ng mga ebidensya ng prosekusyon.

Ayon kay Senator Miguel Zubiri, inaasahang matatapos sa Oktubre 15 ang paglalahad ng ebidensya ng prosekusyon, lalo’t pinag-uusapan na umano ng prosecution team ang posibilidad na i-drop ang Article 3 na tumatalakay sa bribery and corruption.

Kapag natapos ang presentasyon ng prosekusyon, inaasahang sisimulan naman ng Senado ang pagdinig sa panig ng depensa pagbalik ng mga senador sa Nobyembre.

--Ads--

Gayunman, hindi na magiging whole-day ang impeachment proceedings sa Nobyembre dahil magbabalik na ang Senado sa regular na sesyon.

Iginiit din na kapag nagsimula na ang mga pagdinig para sa pambansang badyet, magiging prayoridad muna ng Senado ang deliberasyon sa national budget. Dahil dito, pansamantalang isasantabi ang impeachment proceedings habang tinatalakay ng mga senador ang panukalang pambansang badyet.

Sa kabila nito, inaasahang ipagpapatuloy ang impeachment proceedings matapos ang mga pangunahing budget hearings, alinsunod sa magiging iskedyul at desisyon ng Senado.