Isang miyembro ng Rural Fire Service sa New South Wales (NSW), Australia ang nasawi matapos mabagsakan ng puno habang rumeresponde sa sunog sa loob ng isang national park na sakop ng bushfire emergency area.

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Denmark Suede, Bombo International News Correspondent sa Australia, tinatayang 3,400 ektarya ng kagubatan habang 12 kabahayan naman ang nawasak o napinsala.

Nagsimula ang naturang sunog sa New South Wales dahil sa matinding init ng panahon.

--Ads--

Sa ngayon, wala pang napaulat na Pilipinong nadamay sa malawakang sunog.

Isa sa mga pangunahing hakbang ng mga awtoridad upang makontrol ang pagkalat ng apoy ay ang fire control burning, pati na ang pagde-deploy ng firefighting aircraft na naglalabas ng mga kemikal at materyales upang pigilin ang paglala ng sunog.

Dagdag pa ni Suede, taun-taon nang nararanasan sa Australia ang ganitong uri ng bushfire, at may nakahanda nang mga programa at aksyon ang pamahalaan upang maagapan at mapagaan ang epekto nito.