Kulang na kulang ang budget na inilalaan ng pamahalaan para sa sektor ng pagsasaka at pangisdaan.

Ayon kay Leonardo Montemayor, Former Agriculture Secretary and Federation of Free Farmers Chairman, sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan, kailangan sa bansa ang karagdagang post-harvest facilities tulad ng cold storage facilities at mechanical dryer.

Kadalasan kapag nag aani ng palay ay maraming nasasayang dahil kung saan saan pinapatuyo ang mga bagong aning palay.
Maraming natatangay ng hangin kapag nadadaaanan ng mga sasakyan ang mga nakabilad na palay sa kalsada.

--Ads--

Dahil sa kakulangan ng post harvest facilities ay nababawsan ang produksyon sa pangkalahatan, at nagmamahal ang presyo ng mga produkto.

Umaasa rin si Montemayor na magkaroon ng pagkilos ang senado sa matagal ng panawagan na ibalik ang dating taripa o buwis na binabayaran ng mga imported sa bigas dahil simula nang ipatupad ang executive order 62 ay lalong naengganyo ang mga importer na magpasok ng bigas sa bansa.

Kamakailan ay isinagawa ang senate hearing ng Senate Committee on Agriculture, Food, and Agrarian Reform kung saan ay natalakay ang mga usapin sa sektor ng agrikultura sa pangunguna ni senador Kiko Pangilinan.

Sinabi ni Montemayor na malawakan at komprehensibo ang talakayan.

Umpisa pa lang umano ng pagdinig at inaasahan na may mga susunod pang hearing upang mahimay ng maayos ang kalagayan ng mga magsasaka at kapakanan ng mga mamamayang pilipino.