BOMBO DAGUPAN- Bagama’t hindi naman tinututulan ng senado ang Public Utility Vehicle Modernization Program, umaasa ang Alliance of Concerned Transport Organization (ACTO) na mabibigyan ito ng budget para sa 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Liberty De Luna, National President ng nasabing grupo, hindi na mapipigilan pa ang programa at magtuloy-tuloy ito kahit na mayroon itong kaonting gusot, partikular na sa mga hindi nagconsolidate.
Aniya, kakausapin na lamang ni Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero upang alamin ang rason kung bakit hindi sila nakiisa sa consolidation.
Nanggaling na din kase aniya kay Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. na hindi na ito magkakaroon pa ng extension.
Saad ni De Luna, hindi na patas kung mapipigilan pa ang programa dahil mas marami na silang nakapag-consolidate kumpara sa 17% na tinututulan ito.
Iginiit pa niya na hindi niyang maintindihan ang sinasabi ng panig ng MANUBELA na mahihirapan silang bayaran ito dahil nagiging maayos naman ang pagbabayad sa panig nila De Luna.
Dagdag pa niya, hindi imposibleng binubulsa lamang ng chairman ng isang prankisa kung hindi ito makakapagbayad.
Gayunpaman, maaaring hindi na umano makapasada pa ang mga hindi nakiisa sa programa kapag nag-expire na din ang kanilang rehistro.
Samantala, panawagan din ni De Luna na mas mapabilis ng Department of Transportation ang kanilang dropping and substitution.