Bahagi ng pamamaalam kay Queen Elizabeth II bilang Commander-in-Chief ng Commonwealth Realms ang pag-martsa ng Canadian Forces, Australian Defense Forces, at New Zealand Defense Forces kasama ng British Forces sa kanyang libing na magsisimula ng alas-11 ng tanghali sa London o alas-6 ng hapon dito sa Pilipinas.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Dagupan kay Bombo International News Correspondent Denmark Suede, sinabi nito na kinabibilangan ng nasa 40 na army ang bubuo sa delagasyon ng Australia, habang nasa halos 30 naman na army ang bubuo sa delegasyon ng New Zealand na sasabay sa parada na isasagawa sa paghatid kay Queen Elizabeth II sa kanyang huling hantungan.
Dagdag pa niya na lumipad na patungong United Kingdom ang naturang delegasyon noong Biyernes, Setyembre 16, upang mag-ensayo para sa naturang parada. Sinalubong naman sila ni Prince of Wales William at ng kanyang kabiyak na si Princess of Wales Catherine.
Binigyang-diin pa ni Suede na ang naturang funeral ay tatagal ng 8 oras at 30 minuto na dadaluhan ng 2,000 na katao kabilang ang nasa 500 daang monarkiya at government heads, habang ang hihila naman sa karwahe na pagsasakyan ng kabaong ni Queen Elizabeth II ay kabibilangan ng 142 members ng Royal Navy.
Kaugnay nito ay ipinahayag din ni Suede na ito ang kauna-unahang pangyayari sa British History na mayroong libu-libong makikisama sa libing ng miyembro ng Royal Family.
Dagdag pa ni Suede na ang magiging takbo ng programa para sa libing ni Queen Elizabeth II ay matagal nang na-plano ng dating Reyna noong ito ay nabubuhay pa.